Muling umapela si Senator Risa Hontiveros ng umento sa sahod para sa mga manggagawa bunsod na rin ng panibagong pagtaas ng inflation na naitala ngayong Nobyembre sa 8 percent.
Panawagan ni Hontiveros para sa mga obrero, ngayong magpa-Pasko na ay pakinggan sana ng pamahalaan ang hiling nilang dagdag na sahod.
Aniya, ang patuloy na pagtaas ng inflation rate pero wala namang pagtaas sa sweldo ay lalo lamang nagbabaon sa mga kababayan sa labis na kahirapan.
Punto pa ng senadora, ngayong humuhusay ang production technology sa bansa at tumataas ang pagiging produktibo ng mga manggagawa, hindi makatwiran na manatili lang ang mababang sahod ng mga worker.
Pinababalangkas din ni Hontiveros ang gobyerno ng mga angkop na hakbang para mabawasan ang epekto ng hagupit ng inflation sa mga manggagawa.
Pinare-regulate ng mambabatas ang mataas na inflation rate sa pamamagitan ng pagbaba ng presyo sa mga pangunahing gastusin sa tahanan tulad ng pagkain, kuryente at tubig nang sa gayon ay maiwasan ang pagbaba ng purchasing power ng mga Pilipino.