Umento sa sahod ng mga manggagawa, masosolusyonan ng programang digitalisasyon ayon kay Ping Lacson

Naniniwala si Partido Reporma standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson na sa bilis ng pag-unlad ng teknolohiya ay hindi malabong kaya ring solusyunan nito ang ‘di makatarungang pasuweldo sa ilang mga manggagawa ng kanilang mga pinagtatrabahuhang kompanya.

Sa ginanap na virtual press conference kasama ang mga mamamahayag mula Western Visayas nitong Sabado, ipinaliwanag ni Lacson kung paano makakatulong ang panukala niyang digitalisasyon ng mga transaksyon sa gobyerno upang maiangat ang suweldo ng mga manggagawang Pilipino.

Sa ilalim ng Philippine Labor Code, ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board—isang organisasyon na nasa pangangasiwa ng Department of Labor and Employment—na may kaukulang representasyon mula sa sektor ng mga empleyado at mga employer ang nagtatakda ng magiging pagtaas sa sahod ng mga manggagawa kada rehiyon.


“Tatlo ‘yan e. Sila nag-de-determine kung magkano dapat ang wage, ano, ‘yung living wage at saka ‘yung real wage ng mga tao sa isang region,” paliwanag ni Lacson sa usapin kaugnay ng pagbabayad sa lumalaking utang ng bansa na tumungo sa diskusyon ng mga isyu ng uring manggagawa. 

Ang ikinalulungkot ni Lacson ay ang reyalidad na may ilang mga kompanya o mga amo na hindi umano nagdedeklara ng tamang datos sa kanilang mga talaan ng pananalapi, kaya naman nahihirapan ang mga manggagawa na umapela o makipagkasundo ukol sa mga hinihiling na umento sa suweldo. 

“Alam mo ba na ‘yung mga employers, tatlo ang libro niyan e. ‘Yung isang libro ‘yung totoo, ‘yung kinikita. ‘Yung isang libro pang-BIR (Bureau of Internal Revenue). ‘Yung isang libro ipakita sa mga trabahador kung mayroong pag-uusap para sa collective bargaining agreement (CBA),” pagsisiwalat ni Lacson.  

So, pagka ‘yung pinag-uusapan na ‘yung pagtaas ng sahod, ang ipinapakita ‘yung pangatlo—‘yung para lang sa mga workers. Mawalang-galang na sa mga employers ha, pero ito talaga ‘yung reality. Tapos ‘pag BIR, iba rin ‘yung version; at saka ‘yung totoo, ‘yung para sa kanila (mga employer) lang,” aniya. 

Ayon kay Lacson, maiiwasan sana ang ganitong mga isyu kung maipapatupad ang digitalisasyon ng mga proseso ng gobyerno, lalo na pagdating sa pagbubuwis. Hinihikayat kasi nito ang pagpapatupad ng isang sistema kontra pandaraya, kung saan mapipilitan ang mga negosyo at ilang mayayamang indibidwal na maging tapat sa pag-uulat at pagtatala ng kanilang financial records.

Mahalagang bahagi ng programang digital governance ni Lacson ang pagpapalawig sa pagkolekta ng buwis ng gobyerno, katuwang ang mga ahensya ng BIR at Bureau of Customs, upang makabuo ang kanyang magiging administrasyon ng balansyadong budget upang may maipangtustos sa mga programa ng gobyerno nang hindi kinakailangang magdagdag o magtaas ng buwis ang pamahalaan.  

Kaugnay dito ang masinsinang pagsisiyasat sa mga ari-arian ng ilang mga mauunlad na negosyo at mayayamang indibidwal—gaya ng mga lupain at sasakyan—at pagtitiyak na ang mga ito ay napapatawan at nababayaran ng karampatang mga buwis, gayundin kung walang kahina-hinala sa mga ito base sa mga deklaradong kita at impormasyon sa mga awtoridad, gaya ng sistemang ipinapatupad ng Internal Revenue Service ng Estados Unidos. 

“Kung kanino nakapangalan at kulang din ‘yung kanyang income tax returns, huli mo rin siya. So, parang sa Amerika, walang lumulusot sa tax payment. ‘Yon ang ibig kong sabihin na kailangan i-enhance natin ‘yung revenue collection,” saad ni Lacson. 

“Ito lahat nasa sistema. Naging parang nasa kultura na natin na ‘sige na lang e pare-pareho naman ‘yan.’ Mali ‘yung ganoong attitude. Dapat talaga magkaroon tayo ng isang agent of change na tinatawag na talagang determinado. Kami ‘yon ni Senate President Tito Sotto,” aniya.

Si Lacson ay tumatakbo sa pagkapangulo ngayong Halalan 2022 kasama si Sotto bilang running mate. Bahagi ng kanilang pangkalahatang socioeconomic agenda ang pagpapasigla muli ng ekonomiya sa pamamagitan ng paglikha ng mas maraming trabaho at pagsuporta sa mga maliliit na negosyo. 

Ang tambalang Lacson-Sotto ay nangangampanya para sa pagpapanumbalik ng mabuting pamahalaan na walang bahid ng katiwalian gabay ang mga mensaheng “Aayusin ang Gobyerno, Aayusin ang Buhay ng mga Pilipino” at “Uubusin ang Magnanakaw.” 

Facebook Comments