Bukod tangi ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan pinangangambahang bumagsak ang halaga ng sahod bunsod ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Paliwanag ni IBON Foundation Executive Director Sonny Africa, dalawang beses man tumaas ang sahod sa ilalim ng termino ni Pangulong Duterte pero ito naman ang pinaka-kakarampot at sinabayan pa ng inflation.
Aniya, masasabayan sana ng mga tao ang mataas na presyo ng mga bilihin noon kung noong 2018 ay ginawa nang P580 ang minimum wage sa NCR sa halip na P537.
Una rito, sinabi ng grupo na P1,072 ang kailangan arawang sahod para magkaroon ng disenteng pamumuhay ang bawat pamilyang Pilipino na may limang miyembro sa NCR.
Pero dahil ngayon pa lamang bumabawi ang ekonomiya ng bansa mula sa epekto ng pandemya, makatwiran na para sa IBON Foundation na itaas man lang sa P750 ang minimum wage sa Metro Manila.