Manila, Philippines – Pinalagan nina Senate Minority Leader Frankin Drilon at Senator Bam Aquino ang hindi pagbibigay ng Department of Budget and Management o DBM ng increase sa sweldo ng mga empleyado ng gobyerno at uniformed personnel dahil sa hindi pa rin naipapasang 2019 proposed budget.
Katwiran ni Drilon, hindi pwedeng basta na lang nila aprubahan ang national budget nang hindi binubungkal ang umano ay sangkaterbang pork barrel na dito ay isiniksik ng mga kongresista.
Giit nina Senators Drilon at Aquino, may pondo na para sa salary increase ng mga taga-gobyerno na nakapaloob sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund (MPBF).
Plano din ni Senador Bam na maghain ng resolusyon na nagpapahayag ng pagsang-ayon ng Senado na maaaring gamitin ng DBM ang MPBF para sa salary increase ng mga government employees.
Maging si Senator Panfilo Ping Lacson ay nauna ng nagpahayag na sa ilalim ng umiiral na patakaran, ngayong 2019 ay dapat matanggap ng mga kawani ng pamahalaan ang dagdag sa suweldo.
Tinukoy ni Lacson na basehan nito ang Executive Order 201 na nilagdaan ni dating Pangulong Benigno Aquino III para sa mga sibilyan at Joint Resolution No. 1 para sa mga Military and Uniformed Personnel (MUP) na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.