Umento sa sahod sa lahat ng rehiyon sa bansa, ipinanawagan ng minorya sa Senado

Umapela si Senate Minority Leader Koko Pimentel sa mga regional wage boards sa buong bansa na isunod na ring itaas ang sahod ng mga manggagawa na nasa mga lalawigan.

Kasunod na rin ito ng desisyon ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) sa National Capital Region (NCR) na dagdagan ng P40 ang arawang sahod ng mga manggagawa dito sa Manila.

Panawagan ni Pimentel sa lahat ng regional wage boards sa bansa ay sundan na ang pagpapatupad ng wage adjustments sa mga manggagawa sa kanilang mga lugar.


Binigyang diin ng senador ang agarang pagre-review at pag-reassess sa kasalukuyang wage rates sa ibang bahagi pa ng bansa upang sa gayon ay matiyak na makatwiran at makatotohanan naman ito para sa mga manggagawa sa probinsya.

Iginiit ni Pimentel ang napakababang minimum wage sa ilang mga rehiyon at ito ay hindi katanggap-tanggap.

Ang pagtataas sa sahod sa bawat sulok ng bansa ay matatawag na social justice sa mga ordinaryong manggagawa lalo ngayon na may umiiral pa ring pagtaas sa inflation at bumababa naman ang purchasing power ng mga mamimili.

Punto pa ng lider ng Minorya, kahit ang mga nasa lalawigan ay nakakaranas din ng epekto ng pagtaas sa presyo ng mga bilihin, mahal na presyo ng langis, at mataas na singil sa kuryente kaya nararapat lamang ang umento sa sahod sa buong bansa.

Facebook Comments