Umiiral na ECQ sa Tuguegarao City, Cagayan, palalawigin pa ng 10-araw

Palalawigin pa nang pitong araw ang umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Tuguegarao City, Cagayan simula ngayong Linggo.

Unang isinailalim ang lungsod sa 10-araw na ECQ mula Agosto 12 hanggang Agosto 21.

Ayon kay Tuguegarao Mayor Jefferson Soriano, nakipag-usap na siya sa Regional Inter-Agency Task Force (RIATF) kung saan nakapaloob na kapag hindi nagbago ang kundisyon sa lugar ay mapapalawig pa ang ECQ.


Magmula nang ipatupad ang ECQ sa Tuguegarao City, ay nasa mahigit 700 ang aktibong kaso ng COVID-19.

Pero sa datos ng City Health Office nitong Sabado, nadagdagan pa ng 129 ang bagong kaso ng COVID-19 kaya pumapalo na sa 1,255 ang aktibong kaso ngayon.

Pinakamaraming naitala sa Barangay Ugac Norte na may 119 active cases at Barangay San Gabriel na may 96 active cases.

Kasama rin sa may pinakamaraming aktibong kaso ang Carig Sur, Ugac Sur, Caggay, Cataggaman Nuevo, Caritan Centro, Pengue Ruyu, Atulayan Sur at Leonarda.

Tanging ang Barangay Namabbalan Sur ang itinuturing ngayon na COVID-free sa lungsod.

Matatapos ang pinalawig na ECQ sa Agosto 28 pero susundan agad ito ng 2 araw na “no movement” para sa gagawing citywide disinfection mula August 29 hanggang August 30.

Facebook Comments