Posibleng palawigin ng pamahalaan ang umiiral ngayon travel ban sa United Kingdom kasunod nang mabilis na pagkalat ng bagong strain ng COVID-19 sa kanilang bansa.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Department of Health Sec. Francisco Duque III na kasama ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases, nakatakda silang magpulong sa Lunes, Disyembre 28, 2020 hinggil sa kanilang assessment nila sa new COVID-19 strain.
Dito aniya pagdedesisyunan kung irerekomenda nila kay Pangulong Rodrigo Duterte kung palalawigin pa o hindi na ang umiiral na travel restriction laban sa UK dahil sa bagong strain ng COVID-19 na ngayon ay nakita na rin sa ilang bansa sa Asya.
Kahapon ay inanunsiyo ni Presidential Spokesman Sec. Harry Roque ang temporary suspension sa lahat ng flights mula sa UK, simula December 24, 2020, 12:01am hangang December 31, 2020 bilang pag-iingat na rin sa bagong strain ng COVID-19.