Manila, Philippines – Kinumpirma ng MIAA management na dumadagsa ngayon ang reklamo hinggil sa mabagal na paglabas sa carousel conveyor ng mga bagahe ng mga dumadating na pasahero sa NAIA.
Ayon sa MIAA, ito ay nagdudulot din ng pagsiksikan ng mga pasahero sa conveyor area.
Bunga nito, inatasan ng MIAA ang international airline operators na i-puwesto na ang kanilang ground equipment sa lugar na hihintuan ng eroplano tatlumpung minuto bago lumapag ang aircraft para mas madali itong maililipat sa ramp conveyor system.
Batay pa sa direktiba ng MIAA management, ang unang bagahe ay dapat na lumabas sa conveyor sa loob ng labing-dalawang minuto pagkatapos na pumarada ang eroplano sa designated parking bay.
Ang huling bagahe naman ay dapat maikarga sa conveyor, apatnapung minuto matapos na lumapag ang eroplano.