Mariing tinutulan nina Senate President Tito Sotto III, Senator Panfilo Ping Lacson at Senator Richard Gordon ang ikinakasang imbestigasyon ng United Nations Human Rights Council sa umano’y mga extra judicial killings sa bansa kaugnay sa gera kontra ilegal na droga.
Para kay Sotto, masyadong halata na hindi patas ang UN Human Rights Council dahil kung totoo na may malasakit ito sa karapatang pantao ay dapat sa Syria ito magpunta at hindi sa Pilipinas.
Giit naman ni Senator Lacson, hindi natin kailangan ang pakikialam ng UN Human Rights Council dahil gumagana ang ating criminal justice system na syang nagpapanagot sa mga abusado at tiwaling mga otoridad.
Dagdag pa ni Lacson, nabibigyan ng sapat na pondo ang Commission on Human Rights para magampanan ang mandato nito.
Sa tingin naman ni Senator Gordon ay nabibigyan natin ng aksyon ang mga pag-abuso sa drug war dahil kumikilos ang pulisya, mga korte at Commission On Human Rights.
Sa tingin ni Gordon ang pupunta sa ating bansa na mga opisyal ng UN ay nais lamang ng publicity at mapasama sa mga headlines.