Binuweltahan ng National Task Force To End the local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa pamamagitan ng kanilang tagapagsalita na si Flosemer Chris Gonzales si UN Special Rapporteur on Human Rights Defenders Mary Lawlor, at tinawag na ignorante sa sitwasyon sa Pilipinas.
Ito ay makaraang umapela si Lawlor sa gobyerno ng Pilipinas na abandonahin na ang mga kasong isinampa ni National Security Adviser Hermogenes Esperon laban sa mga grupong Karapatan at Gabriela.
Ayon sa NTF-ELCAC, malinaw na mali ang impormasyong nasagap ni Lawlor para ituring niyang “Human rights defenders” ang Karapatan at Gabriela.
Sinabi ng NTF-ELCAC na ang mga pahayag laban sa gobyerno ni Lawlor ay mistulang pag-uulit lang ng propaganda ng mga teroristang komunista na unang lumalabag sa karapatang pantao.
Dagdag pa ng NTF-ELCAC, dapat inalam muna ni Lawlor ang totoong nagaganap sa Pilipinas bago naglabas ng kanyang apela para hindi siya nagmukhang tagapagsalita ng mga teroristang komunista.
Anila pa nila, ang mga kasong isinampa ni Esperon laban sa Karapatan at Gabriela ay base sa “facts”.
Sa huli, nirerespeto raw ng NTF-ELCAC ang opinyon ni Lawlor, pero dapat siyang humingi ng paumanhin sa mga Pilipino dahil sa pagpapakalat ng maling impormasyon.