
Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga bansa na magtulungan at kumilos nang mas mabilis para maabot ang mga layunin ng United Nations (UN) na mapabuti ang buhay ng mga tao pagsapit ng 2030.
Sa kanyang talumpati sa 16th ASEAN-United Nations Summit, sinabi ng pangulo na 36% lamang ng mga target ng UN Sustainable Development Goals o SDGs ang nasa tamang landas.
Wala na aniyang apat na taon bago ang 2030 deadline kaya kailangan ng mas matibay na suporta at pagkilos ng mga pamahalaan at pribadong sektor.
Kabilang sa mga dapat tutukan ang pagpapanatili ng kapayapaan, paglaban sa human trafficking, online scams at ilegal na droga, pagpapalakas ng suplay ng enerhiya at paghahanda sa mga kalamidad.
Samantala, nanawagan si UN Secretary-General António Guterres na tiyakin ang kaligtasan ng mga sibilyan sa Myanmar at tuloy-tuloy na paghahatid ng tulong sa mga apektado ng krisis.
Binigyang-diin din niya ang pangangailangan ng pagkakaisa ng mga bansa sa harap ng mga digmaan, climate change at lumalaking pangangailangan sa humanitarian aid.










