Iminungkahi ni National Commission on Senior Citizens Chairperson Franklin Quijano na palabasin ang fully vaccinated senior citizens upang makapag-mall at makapag-grocery sa unang 2 oras na pagbubukas ng mga nabanggit na establisyemento.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Quijano na kung nalinis naman ang mga establisyementong ito bago ang closing at kapag walang ibang tao ang unang 2 oras ng pagbubukas ng mall at grocery ay tiyak na magiging ligtas itong lugar para sa mga nakatatanda.
Naniniwala kasi si Quijano na malaki ang tulong ng senior citizens sa muling pagbuhay ng ating ekonomiya dulot ng COVID-19 pandemic.
Paraan din aniya ito para makapag-relax-relax kahit papaano at makapag-ehersisyo ang ating mga lolo’t lola.
Kasunod nito, naniniwala si Quijano na kapag ito ay pinahintulutan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ay mas lalo pang dadami ang senior citizens na mahihikayat na magpapabakuna.
Sa ngayon, on-going ang vaccination sa A2 category o sa senior citizens kasama na ang medical health workers, may mga comorbidities at ilang mga nasa A4 o iba pang mga frontliner.