Dinagsa ng mga staff ng mga kongresista ang south wing ng Batasan para sa unang araw ng paghahain ng mga panukalang batas.
Tig-sampung panukalang batas ang pinapayagang maihain para sa bawat kongresista upang ma-accommodate ang lahat.
Isa sa mga naunang nagsumite ng panukalang batas ay si Isabela Rep. Antonio Albano para payagan na ang paggamit ng marijuana bilang medisina.
Ilan pa sa unang limang nagsumite ng panukalang-batas ay ang paglikha sa mega Cebu Development Authority, Freedom Of Information Bill, pagpayag na gamiting bilang pampublikong sasakyan ang motorsiklo at pagpapatayo ng LRT o MRT sa Cebu na inihain ni Cebu Rep. Raul Del Mar gayundin ang human rights defenders protection bill ni Albay Rep. Edcel Lagman.
Samantala, naghain din ang makabayan ng panukalang batas kung saan ilan dito sa mga ito ang P750 national minimum wage bill, SSS Pension Increase, No-Mining Zone Bill, Sogie Bill, Libreng Hemodialysis, dagdag na sahod sa mga guro, pagre-review sa concession agreement ng MWSS, divorce bill, at pagbasura ng vat sa langis, kuryente at tubig.