
Naging makabuluhan ang unang araw ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit na dinaluhan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dito sa Gyeongju, South Korea.
Dito nagtipon ang mga pinuno ng 21 member economies para pag-usapan ang mga isyung may kinalaman sa regional growth, inclusivity, at digital innovation.
Sa intervention sa APEC Economic Leaders’ Meeting, iginiit ni PBBM ang kahalagahan ng pagbabalik ng maayos na dispute settlement mechanism ng World Trade Organization (WTO).
Ito aniya ang magsisilbing pantay na laban o equalizer para sa mga maliit na ekonomiya tulad ng Pilipinas na umaasa sa patas na sistema ng kalakalan.
Nagbigay ng espesyal na talumpati sa APEC CEO Summit sa Gyeongju Arts Center si Pangulong Marcos, kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng matibay na ugnayan ng pamahalaan at pribadong sektor para sa mas inklusibong pag-unlad sa buong rehiyon.
Bukod dito, nagkaroon din ng bilateral meeting ang Pilipinas at South Korea kung saan tinalakay ang pagpapalakas ng defense cooperation, trade, at investment opportunities.
Sa kabuuan, naging maayos, produktibo, ang unang araw ng APEC Summit patunay na handang makipagtulungan ang mga lider ng Asya-Pasipiko para sa mas matatag at maunlad na rehiyon.









