Unang araw ng final testing at sealing ng ACMs na gagamitin sa May 12 elections, naging matagumpay

Walang naitalang aberya ang final testing at sealing ng mga automated counting machine (ACM) sa unang araw na isinagawa sa Pateros Elementary School.

Sa panayam ng DZXL News kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia, sinabi nitong walang pumalyang mga makina at mabilis na nakaboto ang electoral board chairperson.

Aniya, kahit mainit ang panahon ay hindi naapektuhan ang makina at gumana ito nang maayos ngunit nais pa ring matiyak ng ahensya na hindi lamang ito sa Pateros, kundi maging sa iba pang lugar.

Samantala, patuloy naman na hinihikayat ng Comelec ang mga botante na bomoto sa darating na May 12.

Nakiusap din siya sa lahat ng mga botante na piliin at iboto ang sa tingin nila ay makatutulong sa bawat Pilipino.

Facebook Comments