Naging maayos ang pagpapatupad ng mga airline company ng “No vaccination, No ride” Policy ng Department of Transportation (DOTr).
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni AirAsia Philippines Spokesperson Steve Dailisan na noong nakaraang linggo pa nila inabisuhan ang kanilang mga guest kaugnay sa implementasyon ng “No vaccination, No ride” Policy ngayong araw.
Bunsod nito, sinabi ni Dailisan na asahan na ang mahigpit na document screening sa mga pasahero.
Paalala pa nito sa mga pasaherong may scheduled flights, agahan ang pagpunta sa paliparan upang hindi maabala.
Samantala, maayos din ang unang araw ng implementasyon ng “No vaccination, No ride” Policy ng Philippine Airlines.
Sa interview ng RMN Manila kay PAL Spokesperson Ceilo Villaluna, sinabi nito na sa pagbili pa lang ng ticket ng mga pasahero ay hinahanapan na nila ng vaccine card o kaya ay mga kinakailangang dokumento.
Aniya, maaaring mag-rebook ang mga pasahero na walang anumang additional fee.
Kasabay nito, nilinaw ni Villaluna na hindi cover ang international flights, at tanging domestic flights lang ang coverage ng DOTr Department Order.