Unang araw ng klase sa Drivers Academy ng LTFRB, umarangkada na

Manila, Philippines – Sumalang agad sa Re-training ang unang batch ng pagsasanay sa Drivers Academy ng LTFRB kung saan 50 bus drivers ng ibat ibang kumpanya ang nagsimula kanina sa tanggapan ng LTFRB.

Ayon kay LTFRB Spokesperson at Board member Atty. Aileen Lizada malaking tulong sa mga driver ng pampublikong sasakyan ang naturang pagsasanay upang matutong magdisiplina sa kanilang mga sarili.

Matatandaang inobliga ng LTFRB ang lahat ng Public Utility drivers o mga driver ng bus, jeep, taxi at TNVS na sumailalim sa isang araw na Retraining Program.


Paliwanag ni Lizada na kabilang sa mga paksa ang Road Safety, batas trapiko, at, Grooming.

Tanging mga bus driver lamang ng mga malalaking bus company pa lamang ang nag-eenroll at wala pang mga tsuper ng jeep ang sumalang sa pagsasanay.

Giit ni Lizada obligadong sumailalim sa Drivers Academy ang mga driver para makapag-apply ng trabaho sa PUV.

Posibleng anyang bawiin ng ahensiya ang prangkisa ng operator kapag di sumalang sa Retraining ang kanilang mga driver.

Anya pagkatapos ng klase, sasailalim ang mga driver sa pagsusulit at ang mga makakapasa ay iisyuhan ng ID habang ang mga babagsak ay pwedeng mag-retake. Walang bayad ang Training pero may bayad ang ID na 40 pesos.

Giit ni Lizada walang epekto ang pagdalo sa Drivers Academy sa pagkuha o pagre-renew ng Professional Driver’s License.

Facebook Comments