Manila, Philippines – Kasabay ng *‘Payday Friday’*, nagdulot ng mabigat na daloy ng trapiko sa ilang kalsada ng Metro Manila ang matagumpay na metro wide shake drill ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kahapon.
Pagpatak ng alas-4:00 ng hapon ay agad nagsitunugan ang mga sirena na hudyat na nagsisimula na ang drill.
Matapos ang 45 segundo, agad nagsilabasan ng mga gusali patungo sa open ground ang mga empleyado ng mga pribadong sektor, ahenya ng pamahalaan at iba pang establisyimento.
Nag – ‘dock-cover-and-hold’ din ang mga estudyante sa mga paaralan.
Ayon kay Quezon City Mayor Herbert Bautista, nasa 50-porsiyentong handa ang lunsod sa pagtama ng lindol.
Balak na nilang isama sa susunod drill ang mga insidente ng nakawan o looting.
Ipinagmalaki naman ni Pasig Mayor Bobby Eusebio ang isinagawang anti-terrorism drill sa lungsod.
Nabatid na ang MMDA ang pangunahing ahensya sa shake drill, sa pakikiisa ng Local Government Units, non-government organization at pribadong sektor.
Gagawin muli ito mamayang alas-kwatro ng hapon at uulitin ito bukas (linggo) hanggang Lunes (Hulyo 17).
Layon ng shake drill na matiyak ang paghahanda sa posibleng paggalaw ng west valley fault na magdudulot ng magnitude 7.2 na lindol.