Walang untoward incident na naitala ang Philippine National Police (PNP) sa unang araw ng paghahain ng certificate of candidacy (COC) ng mga tatakbo sa 2025 midterm elections.
Ayon kay PNP PIO Chief PCol. Jean Fajardo, base sa report ng directorate for operations ay nananatiling mapayapa ang sitwasyon sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Bagama’t kaninang umaga ay binulabog ng bomb threat ang Pasig City Hall of Justice ay agad itong napawi matapos ideklarang ligtas mula sa bomba ang lugar ng Explosive Ordnance Division ng PNP.
Matatandaang 36,000 mga pulis ang ipinakalat ng Pambansang Pulisya ngayong araw hanggang sa pagtatapos ng paghahain ng COC upang masigurong magiging maayos at ligtas ang paghahain ng kandidatura ng mga tatakbong pulitiko.
Kaninang alas-5:00 ng hapon nagtapos ang COC filing na magtatagal hanggang Oct. 8, 2024.