Unang araw ng paghahain ng COC, payapa at maayos ayon sa PNP

Naging payapa at maayos ang unang araw ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC).

Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar matapos aniya nila itong paghandaan at ngayon ay patuloy na binabantayan ang sitwasyon hanggang sa huling araw.

May apela rin si PNP chief sa mga gustong tumakbo sa 2022 elections na manguna sa pagsunod sa minimum health safety sa paghahain ng kanilang COC.


Para kay PNP chief, dapat magsilbing mga halimbawa ng disiplina at pagsunod sa health protocols ang mga kandidato lalo na sa kanilang mga tagasuporta sa gitna ng nagpapatuloy na banta ng Coronavirus disease (COVID-19).

Sinabi pa ni Eleazar, kung hindi susunod ang mga kandidato, paano raw makukumbinsi ang mga botante na magiging epektibong mga lider ang mga ito kung ang simpleng pagdidisiplina ay hindi magawa.

Kaugnay nito, pinaalalahanan din ng PNP ang publiko na suspendido ang Permit to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR) para matiyak na walang anumang insidente ng karahasan ang maitatala sa loob ng walong araw.

Facebook Comments