Unang araw ng transport strike, naging mapayapa at walang malaking aberya — PNP

Naging maayos, mapayapa, at walang naitalang malaking aberya ang unang araw ng nationwide transport strike ng grupong Manibela kahapon, ayon sa Philippine National Police (PNP).

Ayon kay Acting PNP Chief Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., naging maayos ang sitwasyon dahil sa koordinasyon sa pagitan ng transport group at mga awtoridad.

Nabantayan ng mga pulis ang 19 na strike centers sa Metro Manila at mga karatig-probinsya, kabilang ang assembly area malapit sa Philcoa, Quezon City.

Maaga ring nag-deploy ng police personnel para masiguro ang seguridad sa mga lugar ng kilos-protesta at tumulong sa mga stranded na commuter.

Dagdag pa ni Nartatez, mananatiling naka-alerto ang PNP ngayong araw at bukas para magbigay ng assistance sa mga apektadong biyahero habang nagpapatuloy ang transport strike.

Ang tatlong araw na kilos-protesta ng Manibela ay layong ipanawagan ang mga isyu ng grupo kaugnay ng multa, franchise renewal, at umano’y iregularidad sa sektor ng transportasyon.

Facebook Comments