Manila, Philippines – Umaasa ang Commission on Elections (Comelec) na magkaroon ng mataas na turnout sa gaganaping plebisito para sa Bangsamoro Organic Law (BOL) ngayong araw.
Ang January 21 plebiscite ay isasagawa sa ARMM, maging sa Isabela City, Basilan at sa Cotabato City.
Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez – inaasahang aabot sa 75% ang voters turnout lalo at ang eleksyon sa ARMM ay kadalasang nagkakaroon ng mataas na turnout rate.
Ani Jimenez – nasa 2.1 milyong registradong botante ang inaasahang boboto na tutugon lamang sa mga tanong na may sagot na ‘oo’ o ‘hindi’.
Magkakaroon ng isa o dalawang tanong sa balota depende sa lugar.
Ang ratification question ay: Ikaw ba ay pabor sa pag-apruba sa Republic Act no. 11054 o Organic Law of the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Nasa 7,141 clustered precincts sa 1,228 voting centers ang bubuksan mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon na susundan ng pagbibilang ng boto.
Bawat clustered presinct ay mamanduhan ng tatlong miyembro ng plebiscite committee.
Sa pagka-canvass ng mga boto, gaganapin ito sa Comelec headquarters sa Intramuros, Maynila kung saan ang Comelec en banc ang uupo bilang plebiscite national board of canvassers.
Ang plebisto ay isasagawa sa dalawang magkahiwalay na araw, January 21 at Feburary 6, 2019.
Idineklara na ng Palasyo ang January 21, 2019 bilang special non-working holiday sa mga munisipalidad na apektado ng plebisito.