Sa National Capital Region (NCR) unang mapupunta ang unang batch ng COVID-19 vaccines na bibilhin ng pamahalaan na darating sa Pebrero ngayong taon.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles na pangunahin sa listahan ng priority list para bigyan ng bakuna sa NCR ay ang medical frontliners.
Ayon kay Nograles, ang priority list na ito ay bahagi ng template na nakapaloob sa vaccination program ng pamahalaan, kung saan by region at sectoral ang gagawing prioritization sa pagbabakuna.
Bagama’t hindi aniya napag-usapan ang detalye ng vaccination program sa Cabinet meeting kundi ang pangkabuuang sitwasyon lamang, tiniyak naman ni Nograles na plantsado na ito sa ilalim ng task force na pinamumunuan ni Vaccine Czar Secretary Galvez Jr.
Siniguro rin ng Department of Finance (DOF) na may sapat na pondo para sa mga bibilhing bakuna.
₱75 bilyon aniya ang inihanda ng pamahalaan para sa 57 milyong vaccine recipients, habang ang 13 milyong iba pang benepisyaryo ay aakuin ng mga Local Government Units (LGUs) para makumpleto ang target na 70 milyong mga Pilipinong babakunahan para makamit ang tinatawag na herd immunity.