Nakatakdang ihain ng Department of Justice (DOJ) ngayong araw ang unang batch ng criminal complaint laban sa mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na may kaugnayan sa iregularidad sa ₱30 billion interim reimbursement mechanism.
Sa joint committee hearing sa Kamara, sinabi ni Justice Undersecretary Adrian Ferdinand Sugay, isinasapinal na lamang nila ang mga reklamo laban sa mga sangkot sa maanomalyang pagbili ng information and technology system.
“My office is finishing the complaint with regards the interim reimbursement mechanism. We want make sure it is filed tomorrow,” sabi ni Sugay.
Sinabi ni Sugay na nakitaan nila ng maraming isyu ang disbursement ng bilyun-bilyong pisong IRM funds.
“Parameters were stretched too much. With regards to the implementation and the observance of the rules and regulations, special privileges were made available to health care institutions during the pandemic,” ani Sugay.
Hindi na binanggit ni Sugay kung sinu-sino ang mga sasampahan ng reklamo.
Nilinaw ni Sugay na maghahain pa lamang sila ng kaso sa Office of the Ombudsman kaugnay sa naging findings nila sa PhilHealth financial scandal.
Ibinunyag niya na nadiskubre nila ang aktwal na modus operandi sa IRM process at kung sino ang mga nasa likod ng pagkubra ng mga pondo nito na nagresulta ng fraudulent disbursements.
Ang pondo ay inilaan sa health care centers at clinics na walang COVID-19 cases kabilang ang mga dialysis centers.
Ang PhilHealth officials at accredited hospitals at medical centers ay guilty sa pagbalewala sa mga patakaran at panuntunan sa paggamit ng IRM funds.