Sisimulan na bukas ang paglikas sa mga Pilipino sa Gaza.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Usec. Eduardo de Vega, hahatiin sa dalawang batch ang mga Pinoy na ililikas sa Gaza patawid sa border ng Egypt.
Paliwanag ni De Vega na kabilang sa unang batch ng mga ililikas ay 20 Pinoy kung saan isa rito ay Overseas Filipino Worker (OFW) habang 23 Pinoy naman ang ikalawang batch.
Ayon sa DFA, aabot sa 134 ang mga Pilipino ang nananatili sa Gaza ngunit 43 lamang dito ang nagpahayag ng kahandaang lumikas.
Ilan umano sa mga Pinoy ay piniling manatili sa Gaza dahil ayaw nilang iwan ang kanilang mga asawang Palestino.
Sa ngayon ay wala pang impormasyon ang DFA kung kailan makakauwi sa bansa ang mga ililikas na mga Pinoy sa Gaza na pansamantala munang manantili sa Egypt.