Unang cabinet meeting ng Marcos admin, isinagawa sa Malacañang ngayong Martes

Limang araw matapos ang inagurasyon ay pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang unang cabinet meeting sa Malacañang ngayong Martes.

Nagsimula ang cabinet meeting mag-a-alas nuebe kaninang umaga kung saan inatasan ni Marcos ang kanyang economic team na pangunahan ang pulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng overview sa sitwasyon ng ekonomiya sa bansa.

Ayon kay Marcos, ekonomiya ang pinakamahalagang sektor na dapat tugunan ngayon ng gobyerno.


Binubuo ang economic team ng Department of Finance, kasama sina Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Felipe Medalla at Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan.

Kabilang din sa mga dumalo sa meeting sina Vice President at Education Secretary Sara Duterte-Carpio, Interior Secretary Benjur Abalos, Solicitor General Menardo Guevarra at Executive Secretary Vic Rodriguez.

Inaasahang tatalakayin din sa unang cabinet meeting ang administrasyong Marcos ang mga usapin sa sektor ng edukasyon, agrikultura at transportasyon.

Facebook Comments