Unang distrito ng Tondo, pinag-aaralan kung isasailalim din sa lockdown

Pinag-aaralan na ng Lokal na Pamahalaan ng Maynila ang posibilidad na isailalim din sa “hard lockdown” ang unang distrito ng Tondo.

Ayon kay Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) Chief Police Major Rosalino Ibay Jr., nagsasagawa na sila ng assessment hinggil sa ipatutupad na lockdown sa Tondo dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng bilang ng kumpirmadong kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa naturang lugar.

Sa huling datos ng Manila Health Department, umabot na sa 94 confirmed cases ng COVID-19 sa Tondo District-1 habang nasa 233 ang suspected.


Sinabi pa ni Ibay na isa sa kanilang pinag-aaralan ay kung gaano katagal ang ipatutupad nilang lockdown kung saan depende ito sa magiging desisyon o kalalabasan ng kanilang pag-uusap kasama ang ilang opisyal ng Lokal na Pamahalaan.

Sa ngayon, 644 ang kumpirmadong kaso sa buong lungsod ng Maynila at 1,009 ang suspected habang wala naman naitatalang probable case.

Facebook Comments