
Suportado ng Malacañang ang kauna-unahang joint military exercise sa pagitan ng Pilipinas at Japan sa ilalim ng Reciprocal Access Agreement (RAA).
Ang aktibidad na tinawag na “Doshin-Bayanihan 5-25” ay layong palakasin ang ugnayan ng dalawang bansa sa seguridad at disaster response.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, tugma ang aktibidad sa adhikain ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na patatagin ang kooperasyon para sa kapayapaan at katatagan sa Indo-Pacific region.
Dagdag pa ni Castro, malaking benepisyo ito sa mga sundalong Pilipino dahil madaragdagan ang kanilang kaalaman sa mabilis at epektibong pagresponde sa mga kalamidad.
Samantala, nilinaw naman ni Castro na wala itong kinalaman sa patuloy na agresyon ng China sa West Philippine Sea.
Ang Doshin-Bayanihan 5-25 ay makasaysayang hakbang sa pagpapatibay ng defense cooperation sa pagitan ng Pilipinas at Japan sa ilalim ng RAA, na nilagdaan upang lalong paigtingin ang pagtutulungan sa larangan ng seguridad.









