BAYAMBANG, PANGASINAN – Naitala ng bayan ng Bayambang ang unang kaso ng COVID19 Delta Variant Positive na isang seafarer na nagtungo ng Maynila noong Agosto 15, 2021 upang asikasuhin ang kanyang papeles para makabalik sa trabaho abroad ngunit noong siya ay magpaswab test, lumabas ang kanyang resulta ng Agosto 18 na siya ay positibo sa COVID-19 at nito lamang September 14 nang nalaman sa pamamagitan ng genome sequencing na ito ay dulot ng Delta Variant ng virus.
Una umanong natanggap ng Municipal Health Office noong September 15, 2021 ang isang sulat mula sa Ilocos Center for Health Development I kung saan nakatala na ang unang kaso ng Delta variant ay iniulat ng Philippine Genome Center (PGC) at ipinabatid sa kanilang tanggapan ng DOH Epidemiology Bureau na ang kauna-unahang kaso ay nag-positibo sa COVID-19 noong pang Agosto 18, 2021.
Bagamat siya ay asymptomatic at walang anumang sintomas ng virus, siya ay kasalukuyang naka-quarantine pa rin sa Maynila at minomonitor ng awtoridad at magpahanggang sa ngayon ay ito ay nasa isolation sa Pasay hanggang makumpleto ang required na araw ng quarantine.
Ayon sa report ng IATF, ang naturang seafarer ay nasa Bayambang na mula 2018 hanggang sa taong kasalukuyan at panandaliang bumisita sa Maynila noong kailangan niyang ayusin ang kanyang papeles.
Sa kabila naman nito, naka-strict home quarantine na ang kanyang buong pamilya sa Bayambang kahit lagpas na ng isang buwan na hindi niya nakakasalamuha at nakatakda silang lahat na i-swab test ngayong Biyernes (September 17) at lahat sila ay pawang asymptomatic o wala namang nararamdaman.