Posibleng ma-discharge na ngayong araw ang 31-anyos na unang kaso ng monkeypox sa Pilipinas.
Ayon kay Department of Health (DOH) Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire, natapos na kasi nito kahapon ang 21 days nitong isolation at ‘go’ signal na lamang ng mga doctor ang kinakailangan para ideklarang magaling na.
Kasabay nito, tiniyak ni Vergeire na bukod sa unang kaso ay wala nang naitalang nagpositibo sa monkeypox sa bansa.
Aniya, sa ngayon ay negatibo sa monkeypox test ang sampung indibdwal na naka-close contact ng 31-anyos at patuloy na mino-monitor habang tinatapos ang 21 days quarantine.
July 19 nang dumating sa bansa ang 31-anyos na Pinoy habang July 28 nang magpositibo ito sa monkeypox test makaraang malaman na nagpunta ito sa mga bansang may kaso ng virus at nakaranas ng mga sintomas tulad ng lagnat, sakit ng ulo, rashes at muscle pain.
Sa ngayon ay idineklara na ng World Health Organization (WHO) ang monkeypox outbreak kung saan nasa 16,000 katao na sa 72 bansa sa buong mundo ang apektado ng nasabing sakit.
Kahapon ay itinaas na rin ng US Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ang global health emergency sa monkeypox na syang pinakamataas nilang alarma.