UNANG KASO NG MPOX SA CAGAYAN VALLEY, WALANG TRAVEL HISTORY – DOH

CAUAYAN CITY – Kinumpirma ng Department of Health Cagayan Valley sa ginanap na press briefing na walang travel history ang unang pasyente ng Monkeypox o Mpox dito sa rehiyon dos.

Sinabi ni DOH Regional Director Amelita Pangilinan, nagtungo ang pasyente sa ospital upang ipatingin ang tumubong tila singaw malapit sa bibig nito.

Matapos ang pagsusuri ng umasisteng doktor, napag-alaman na isa ito sa sintomas ng Mpox.


Samantala, hindi na ibinigay pa ng kagawaran ang personal na pagkakakilanlan ng pasyente dahil na rin sa umiiral na Data Privacy Act of 2012.

Kaugnay nito, tiniyak ng DOH Cagayan Valley na kanilang tinututukan ang pagsasagawa ng contact tracing, close monitoring at preventive measures sa mga nakasalamuha ng unang kaso ng Mpox katuwang ang Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU).

Ayon pa sa ahensya, naabisuhan na rin ang mga Local Government Units (LGUs), Rural Health Units (RHUs) at ospital tungkol sa mga dapat na ibabang impormasyon tungkol sa mpox na itinuturing na public health emergency of international concern (PHEIC).

Nananawagan rin sa publiko ang DOH na iwasan ang pagkakaroon ng close contact sa mga taong may sintomas ng Mpox, kabilang na dito ay ang pakikipagbeso, pakikipag yakap, at paggamit sa mga kagamitan ng pasyente.

Samantala, ang mga sintomas naman ng Mpox ay pagkakaroon ng butlig, lagnat, pananakit ng ulo, pamamaga ng lalamunan, pagkakaroon ng skin rashes at pananakit ng katawan.

Facebook Comments