Unang kaso ng rare avian influenza sa mga hayop, naitala sa Camaligan, Camarines

Kinumpirma ng Bureau of Animal Industry o BAI ang unang kaso ng High Patho-geni-city Avian Influenza o HPAI Type A Subtype H5N9 sa bansa, partikular sa Camaligan, Camarines Sur.

Ayon sa BAI, iniulat ng BAI-Animal Disease Diagnosis and Reference Laboratory na nagpositibo ang resulta ng duck samples na nakolekta mula sa isang routine surveillance ng DA Regional Field Office 5.

Ang Subtype H5N9, na bagama’t highly pathogenic sa mga ibon, may mababa namang banta sa mga tao batay sa global assessments.

Agad namang ipinag-utos ng BAI ang disease control measures, gaya ng quarantine, culling, surveillance at koordinasyon sa mga lokal na awtoridad at ipinabatid na rin ito sa Department of Health para i-monitor ang posibleng human exposure.

Pinagana na rin ang Command Center at Regional Quick Response Team para sa control protocols, at may mga pulong na sa Regional DOH, Provincial Government ng Camarines Sur, at sa bayan ng Camaligan.

Ang culling at proper disposal ng mga itik sa apektadong farm ay isinagawa nitong May 6, habang may intensive surveillance sa 1-kilometer quarantine zone simula ngayong May 7.

Magkaroon din ng surveillance sa 1-kilometer at 7-kilometer zones, at cleaning at disinfection sa mga apektadong lugar upang hindi na kumalat pa ang banta.

Pagtitiyak ng BAI, kumikilos sila para maprotektahan ang poultry industry sa bansa laban sa avian influenza, at habang umapela sa publiko na maging mapagmatyag kaugnay rito.

Facebook Comments