Unang kilig sa 2026 ang nasaksihan ng mga Uminganians dahil sa trending proposal video ni Christopher Soria sa kanyang partner na si Irene Balmes matapos ang flag ceremony noong nakaraang Lunes, January 12, 2025.
Sa eksklusibong panayam ng iFM Dagupan kay Chirstopher at Irene, naikwento nilang labindalawang taon na silang mag live-in partner at binayayaan na ng isang anak, subalit dahil hinihintay ni Irene ang kanyang petition para sa ibang bansa, hindi pa sila maaaring magpakasal.
Ngunit nang makuha ni Christopher ang basbas ng mga magulang ni Irene na maari na niya itong pakasalan, hindi na nag-aksaya pa ng panahon si Christian at humingi na ng tulong mula sa kanyang mga katrabaho sa Umingan Municipal Budget Office upang maisakatuparan ang naturang proposal.
At nito ngang Lunes, pagkatapos ng kanilang Flag Raising Ceremony ay lumuhod na si Christopher para alukin ng kasal si Irene. Nakuha naman nito ang masayang “Yes!” ng kanyang future bride.
Laking pasasalamat ni Christopher sa lahat ng tumulong sa kaniya upang maisakatuparan ito, dahil maging ang alkalde ay kasabwat rin niya.
Samantala, inaayos na ni Christopher at Irene ang kanilang kasal na magaganap ngayong buwan ng Pebrero.








