Sa ika-animnaput dalawang episode ng Usapang Pangkapayapaan, Usapang Pangkaunlaran o UP-UP Cagayan Valley ng Tactical Operations Group (TOG) 2 kung saan nagsilbing guest speaker si Ginoong Amir Aquino, Information Officer ng DEPED Region 2, kanyang sinabi na maliban sa dalawang paaralan sa Lalawigan ng Cagayan na hindi nakapagbukas ng klase ngayong Linggo dulot ng naranasang pagbaha ay naging maayos at ‘peaceful’ naman ang muling pagbabalik ng face to face classes at inaasahaan na mamementain pa rin ito sa mga susunod na araw.
Bukod sa in-person na klase ay mayroon pa ring isinasagawang blended learnings dahil ipinapatupad pa rin ang distansya sa bawat upuan ng mga estudyante.
Bagamat maayos ang pagsisimula ng klase sa rehiyon, inihayag ni Aquino na mayroon pa ring kakulangan sa mga pasilidad at guro sa mga pampublikong paaralan subalit ito ay tinutugunan na ng Kagawaran.
Pinaghahandaan na rin ang pagsasagawa ng full face-to-face classes sa Nobyembre na ipapatupad na sa lahat ng paaralan sa bansa batay na rin sa kautusan ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte.
Samantala, nagpapatuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng DEPED sa mga partner agencies at law enforcement unit kaugnay sa kanilang kampanya para mailayo ang mga kabataan sa kamay ng mga makakaliwang grupo.