Unang meeting ng peace panels ng gobyerno at MILF sa ilalim ng Marcos administration, isinagawa sa Davao City

Courtesy: OPAPRU Facebook page

Nagkaroon ng pagpupulong ang Peace Implementing Panels ng gobyerno at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) para sa panibagong commitment sa implementasyon ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro.

Ito ang unang meeting ng peace panels sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ginanap sa Davao City.

Sa joint statement na pinirmahan nina Cesar Yano, Chairman ng GPH Peace Implementing Panel, at Min. Mohagher Iqbal, chairman ng the MILF Peace Implementing Panel, pinag-usapan ng dalawang partido ang apat na mahahalagang usapin.


Una ay ang tungkol sa pagkamatay ng pitong miyembro ng MILF sa operasyon ng pulisya sa Datu Paglas, Maguindanao del Sur.

Binigyang-diin ng MILF Implementing Panel ang kahalagahan ng imbestigasyon ng independent body.

Nagkasundo rin ang magkabilang panig na pag-aralan ang panukalang Armed Forces of the Philippines (AFP) Redeployment Parameters and Areas para sa Joint Security Assessment, Transition Plan para sa Joint Peace and Security Teams (JPSTs), at ang Integrated Framework sa pagpapatupad ng transformation program para sa unang 33 mga barangay ng anim na dating kampo ng MILF.

Kinilala rin ng mga ito na dapat agaran at full implementation ng decommissioning program.

Desidido ang gobyerno at MILF panels na tuparin ang iba pang nakapaloob sa peace agreement sa ilalim ng Marcos administration.

Facebook Comments