
Isinulong nina Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano at AKO BICOL Party-list Rep. Alfredo Garbin Jr. na maitaas sa P300,000 mula sa kasalukuyang P250,000 ang kabuuang sweldo sa buong taon na hindi na papatawan ng buwis.
Nagkakahalaga ito ng P25,000 mula sa kasalukuyang P20,833.33 na tax free salary sa bawat buwan.
Kapag natupad ito ay madadagdagan ng P4,000 ang take home pay ng mga pangkaraniwang manggagawa sa bansa.
Para matapalan ang mababawas sa kita ng gobyerno ay iminungkahi ni Valeriano na taasan ang buwis para sa mga mas malalaki ang kita.
Naniniwala naman si Garbin na hindi ito magiging malaking kawalan sa Bureau of Internal Revenue (BIR) dahil ang dagdag-sweldo na maiuuwi ng pangkaraniwang empleyado ay gagastusin din nila kaya magsasampa pa rin ng kita sa gobyerno.
Diin nina Valeriano at Garbin, makatwiran na mapagaan ang buwis na kinakaltas sa sweldo ng mga mahihirap at mababa ang sweldo sa gitna ng nabunyag na pagnanakaw sa pera ng taumbayan na inilalaan sa mga proyektong pang-imprasktraktura lalo na sa mga flood control project.










