Sumalang na sa pagdinig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pamunuan ng Grab Philippines hinggil sa umano’y sobrang singil nila sa pasahe sa mga pasahero.
Ito rin ay kasunod sa hinihingi ni Lawyers for Commuters’ Safety and Protection (LCSP) President Atty. Ariel Inton na paglilinaw sa LTFRB, kung saan partikular na tinukoy niya ang surge-fare ng Grab na hindi malinaw kung sa anong pagkakataon dapat ipatupad ito.
Marami rin aniya na iba’t ibang bayarin na nakapaloob sa pasahe sa Grab, kabilang dito ang distansya, oras at fare adjustment maliban sa base fare na meron pa ang naturang ride hailing app.
Sa isinagawang pagdinig kanina, sinita ng LTFRB ang Grab Philippines sa pagpapatupad ng karagdagang pasahe.
Paliwanag naman ng kinatawan ng Grab na ginagawa nila ang sobrang singil sa pasahe upang maiwasan ang maikling biyahe.
Sinabi naman ni Atty. Inton na sakaling mapatunayan ang nasabing reklamo laban sa Grab ay dapat patawan sila ng P5,000 sa bawat overcharge sa pasahe sa mga pasahero.
Nakatakda naman ang ikalawang pagdinig sa December 13, Martes.