MAYNILA – Kinumpirma ng Department of Health (DOH) ang kumalat na ulat tungkol sa pagpanaw ng isang pasyenteng Pinay na may novel coronavirus (COVID-19), nitong Miyerkoles ng gabi.
Sa kanilang anunsyo, tinukoy ng kagawaran ang namatay na si Patient 35, 67-taong-gulang, na nakaratay sa Manila Doctors Hospital.
“The Department of Health confirms circulating reports regarding the death of a confirmed COVID-19 patient in Manila. The reported death is the patient with ID PH35 confined at the Manila Doctors Hospital in Manila City.”
Ayon pa sa DOH, walang anumang travel history o hindi nagtungo sa ibang bansa ang nasawing indibidwal.
Nagpakita raw ng sintomas ang babae noong Pebrero 29 at lumabas na positibo sa sakit kahapon, Marso 11.
Siya ang ikalawang pasyente sa Pinas at kauna-unahang Pinoy na namayapa dahil sa COVID-19.
Patuloy ang pagkalap ng DOH ng karagdagang impormasyon kaugnay sa naturang kaso.
Samantala, nakiusap ang kagawaran sa publiko na kumuha lamang ng beripikadong detalye sa kanilang official website at social media accounts.
Sa huling datos, umakyat na sa 49 ang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa.