Unang rotation at resupply mission ng PCG sa West Philippine Sea ngayong 2024, naging matagumpay

Naging matagumpay ang kauna-unahang Rotation at Resupply (RORE) mission ng Philippine Coast Guard (PCG) ngayong taon.

Batay sa ulat ng Philippine Coastal Guard (PCG), isinagawa ang unang RORE mission mula January 4 hanggang 9, 2024.

Ligtas na nakarating ang mga tropa ng Coast Guard sa Port of Buliluyan sa Bataraza, Palawan, matapos maghatid ng mga mahahalagang supply sa mga tauhan ng Coast Guard na naka-deploy sa mga PCG unit na matatagpuan sa Kalayaan Island Group (KIG), partikular sa Lawak Island, Panata Island, at Pag-asa Island.


Ayon kay PCG Commandant, CG Admiral Ronnie Gil Gavan, isasailalim din sa mga pagsasaayos ang mga pasilidad ng PCG sa naturang mga isla ngayong taon.

Gagamitin ng Coast Guard ang karagdagang budget ng Fiscal Year 2024 para sa pagsasaayos ng imprastraktura upang palakasin ang pagbabantay sa West Philippine Sea (WPS).

Facebook Comments