Nagpapatuloy pa rin ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pagsasaayos ng unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., na nakatakda na sa susunod na Lunes, July 25.
Ayon kay House Sec. Gen. Mark Llandro Mendoza, tuloy-tuloy ang kanilang paghahanda para sa kauna-unahang SONA ng bagong Pangulo.
Kabilang sa mga napag-usapang requirement sa mga bisita partikular ang mga papasok sa loob ng plenaryo ng Kamara ay ang pagpapakita ng negatibong resulta ng RT-PCR test na kinuha 48-oras bago ang SONA.
Inaantabayanan pa ang ibang requirements na kakailanganin tulad ng antigen test para sa mga hindi naman papasok sa plenaryo.
Samantala, nakapagpadala na rin ang Kamara ng imbitasyon sa 1,300 mga bisita tulad ng mga dating presidente at bise presidente, mga mahistrado, diplomats, matataas na opisyal ng pamahalaan at iba pa.
Ngayong linggo, inaasahang minor meetings na lamang ang isasagawa ng Task Force para sa SONA, habang sa darating na Biyernes ay naka-lockdown na ang Batasang Pambansa.