Sinaksihan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta, at ng iba pang pinuno ng bansa ang oath taking at unang talumpati ng bagong pangulo ng Indonesia na si Prabowo Subianto.
Nagpaabot din ng pagbati si Pangulong Marcos Jr., kay Prabowo at kay Vice President Gibran Rakabuming Raka.
Ayon sa pangulo, ang Indonesia ay isa sa mga matagal nang kabalikat ng Pilipinas at pinakamalalapit na kaibigan ng bansa sa rehiyon.
Dahil dito, isusulong ng Pilipinas ang pagpapatatag pa ng relasyon ng Jakarta at Maynila kasabay na rin ng ika-75 diplomatic relations ng dalawang bansa sa Nobyembre.
Matatandaang hindi ito ang unang pagkikita ng dalawang lider dahil bumisita na si Prabowa sa Malacañang noong Setyembre.
Si Prabowo ay dating heneral sa Indonesia na naakusahang nasa likod ng pagkawala ng higit 20 aktibista noong 1990’s na naging dahilan ng pagkakatalsik niya sa militar, bagama’t hindi ito pormal na nakasuhan.
Pero ilang taon ang nakalipas, nabago ni Prabowo ang kaniyang imahe kasunod na rin ito ng pag-viral ng kaniyang dance video sa social media.
Mas umangat pa ang kasikatan nito nang tumakbong pangulo ng Indonesia at nakipag-tandem sa kaniyang bise presidenteng si Gibran Rakabuming Raka, na anak ni Joko Widodo.