UNANG TAON NG IMPLEMENTASYON NG 10-YEAR SOLID WASTE PLAN SA POZORRUBIO, SINURI NG DENR

Sinuri ng Department of Environment and Natural Resources – Environmental Management Bureau Regional Office I ang unang taon ng implementasyon ng 10-Year Solid Waste Management Plan 2024–2033 sa Pozorrubio, Pangasinan.

Sa loob ng dalawang araw, ininspeksyon at binusisi ng ahensya ang mga pasilidad at programang ipinatutupad ng munisipyo upang matukoy ang mga dapat pang paigtingin at isaalang-alang sa mga susunod na taon ng implementasyon.

Kabilang sa inikot ang Central Materials Recovery Facility sa Barangay Talogtog at ang planong sanitary landfill sa Barangay Balacag bilang bahagi ng pangmatagalang solusyon sa pamamahala ng basura.

Sinuri rin ang iba pang pampublikong pasilidad at ang pagpapatupad ng mga programang pangkalikasan sa mga barangay ng Batakil, Palguyod, Palacpalac, at Cablong.

Samantala, ibinahagi ng Eugenio P. Perez National High School sa Barangay Villegas ang kanilang mga inisyatiba sa composting at waste diversion sa pakikipagtulungan ng mga guro at mag-aaral bilang suporta sa solid waste management program ng bayan.

Facebook Comments