Manila, Philippines – Nagpalabas ng advisory ang Department of Health (DOH) upang maging ligtas ang publiko ngayon Undas kaugnay sa mga pag-iingat na dapat tandaan sa paggunita ng Undas 2018 lalo na yaong mga magtutungo sa mga libingan.
Ayon kay DOH Secretary Francisco Duque III sa mga bibisita sa mga puntod ng mga yumaong mahal sa buhay ang pagdadala ng sariling pagkain at tubig upang hindi magkasakit dala ng tinatawag na food-borne illnesses gaya ng pagdudumi o diarrhea, na maaaring makuha sa hindi ligtas na pagkain na binebenta ng mga ambulant vendor.
Pinaalalahanan din ang mga food vendor na tiyaking malinis ang preparasyon ng mga nilulutong pagkain para sa publiko, kasabay ang payo sa mga Local Government Units (LGUs) na bantayan ang mga nagtitinda ng pagkain sa mga libingan.
Maging ang food establishment ay pinayuhan din ng DOH na tiyaking malinis ang mga tinitinda nilang pagkain upang maiwasan ang outbreak ng mga sakit.
Ang mga commuter naman ay pinagbabaon ng tubig upang maiwasan ang dehydration habang nasa biyahe, payong bilang proteksiyon sa init at ulan at maging pasensiyoso sa dami ng mga pasahero lalo na yaong mga nag-uuwian sa mga lalawigan.
Para sa mga motorist, mahigpit ang paalala ng DOH na iwasan ang pag-inom ng nakalalasing na inumin gaya ng alak, iwasan ang overloading upang maiwasan ang mga insidente sa mga lansangan.
Para naman sa mga magulang, payo ng kalihim, huwag na isama ang kanilang mga sanggol at mga bata sa pagtungo sa sementeryo upang hindi malantad sa mga sakit habang ang mga nakatatanda naman ay hinikayat na manatili na lamang sa kanilang mga bahay lalo na yaong mga umiinom na ng maintenance o kung hindi makatiis na hindi dumalaw sa mga sementeryo ay tiyakin na sila ay may mga kasama.