Nagsimula nang dumagsa sa Batangas Port ang mga pasaherong pauwi sa kani-kanilang probinsya para sa paggunita ng Undas.
Marami ang mas piniling bumiyahe ng mas maaga para makaiwas sa dagsa ng mga pasahero at sa posibleng pagkaantala ng biyahe dahil sa epektong maaaring idulot ng bagyong Rosita.
Tiniyak naman ng Philippine Coast Guard (PCG) na nananatiling prayoridad nila ang seguridad at kaligtasan ng mga biyahero.
Kaugnay nito, naka-deploy na ang mga dagdag na K9 unit at mga tauhan ng PCG habang naglagay na rin ng mga bagong walk-thru metal detector ang Asian Terminals Inc. (ATI).
Mahigpit naman ang paalala ng PCG sa mga pasahero na sumunod sa patakaran ng pantalan para maiwasan ang delay sa biyahe at ugaliing mag-monitor ng anunsyo kaugnay ng posibleng kanselasyon ng biyahe dahil sa bagyo.