Nag-umpisa na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng kanilang preparasyon para sa nalalapit na paggunita ng All Saints’ at All Souls’ Day sa darating na November 1 at 2.
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia sinimulan na ng kanilang Task Force Special Operations ang paglilinis ng daan patungo sa ibat-ibang sementeryo sa Metro Manila.
Ipinauubaya naman ng MMDA sa Local Government Units (LGUs) ang paglilinis sa loob ng sementeryo.
Samantala kapag activated na ang “Oplan Undas 2018” sa October 27 mahigit sa 2,000 traffic personnel ang ipapakalat sa mga tinaguriang critical areas at ang mga ito ay naka-deploy mula umaga hanggang gabi para panatilihing maayos ang daloy ng trapiko.
Sinabi din ni MMDA Chairman Danilo Lim na “No Dayoff, No Absent policy” para sa mga MMDA traffic personnel magmula October 27 hanggang November 3.
Habang ang number coding scheme naman sa Metro Manila ay suspendido pagsapit ng November 1 at 2 na kapwa deklarado bilang special non-working holidays.