Quezon City – Nakalatag na ang mga safety at emergency personnel sa Quezon City upang siguraduhin ang kapakanan at kaligtasan ng mga bibisita ngayong araw sa himlayan ng kanilang mga namayapang mahal sa buhay.
Ayon kay acting Mayor Joy Belmonte, nakaalerto na ang Department of Public Order and Safety o DPOS na mangangasiwa sa pagpapagaan ng trapiko sa lungsod, lalo na sa mga lugar na malapit sa mga malalaking sementeryo.
Nakaantabay din ang Quezon City Disaster Risk Reduction and Management para sa mga posibleng kaso ng emergency.
May mga medical station na nakahanda sa terminal ng bus sa Araneta, Cubao at mga staging area sa Mindanao Avenue corner Quirino Highway, sa loob ng Himlayang Pilipino Memorial Park at sa A. Bonifacio Avenue malapit sa Barangay Paang Bundok.
Handa na rin ang Barangay Emergency Response Teams para sa pagpapatrolya sa lugar na nasa kanilang responsibilidad.
Nasa 1,305 kapulisan ang nakaantabay na rin sa anim na mga sementeryo sa lungsod at 16 columbarium’s upang siguraduhin ang kaligtasan ng mga bibisita rito.
Katuwang ng kapulisan ang DPOS, Metro Manila Development Authority (MMDA) at iba pang mga force multipliers para sa pagpapatibay ng kaligtasan sa mga nasabing lugar.
Nakapuwesto na rin sa mga estasyon at pampublikong terminal ng transportasyon ang kapulisan at police dogs para sa mga residente sa Metro Manila na luluwas sa mga probinsya.
Hinikayat din ni Belmonte ang mga residente ng lungsod Quezon na tumawag sa 122 kung sakaling may problema o emergency.
PS 3 – Himlayang Pilipino Cemetery – 1,300
Baesa Cemetery – 100
PS 4 – Novaliches Cemetery – 1,132
Parokya ng Pagkabuhay (Bagbag) Cemetery – 1057
Holy Cross Memorial Park Cemetery – 6, 022
PS 6 – 6 Recuerdo Cemeteries – 70