Manila, Philippines – Kasado na ang mahigit 100 mga wheel chairs para sa mga senior citizens at may kapansanan ang naka standby sa gate ng Manila North Cemetery at electric tricycle na libreng sakay papasok at palabas sa naturang sementeryo.
Ayon kay MNC Administrator Daniel Tan mahigpit din ang kanilang pagpapatupad ng seguridad sa loob ng Manila North Cemetery (MNC) kung saan bawal pa rin ang pagpasok ng mga patalim, alak, pintura, baril, baraha at iba pang mga ipinagbabawal tuwing Undas.
Paliwanag ni Tan mahalagang irespeto ang kanilang mga kamag-anak na nakalibing sa Manila North Cemetery at huwag magdala ng mga speaker na lilikha ng ingay na nakakaistorbo ng mga nananalangin ng mataimtim.
Pinayuhan din ng opisyal ang mga magulang na huwag magdala ng mga sanggol at lagyan ng mga name tag ang kanilang mga anak para madaling maibalik sakaling mawala.