UNDAS | MMDA magpapakalat ng higit sa 2,000 traffic personnel

Manila, Philippines – Kasabay nang paglulunsad bukas ng “Oplan Undas 2018” mahigit sa 2,000 traffic personnel ang ipapakalat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga tinaguriang critical areas.

Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia ang mga ito ay naka-deploy mula umaga hanggang gabi para panatilihing maayos ang daloy ng trapiko sa bisinidad ng malalaking sementeryo sa kalakhang Maynila lalo na sa mismong araw ng Undas.

Kabilang sa mahigpit na tututukan ng MMDA ay ang Manila North Cemetery sa Maynila, Manila South sa Makati City, Loyola Memorial Park sa Marikina, Bagbag Public Cemetery sa Quezon City at Manila Memorial Park sa Parañaque City.


Sinabi naman ni MMDA Chairman Danilo Lim na mahigpit din nilang ipatutupad sa kanilang mga kawani ang “no dayoff, no absent policy” magmula bukas, October 27 hanggang November 3.

Magkakaroon din aniya ng Road Emergency Group na siyang aasiste sa mga magtutungo sa sementeryo at mayroon ding ipapakalat na mga ambulansya.

Una nang inanunsyo ng MMDA na suspendido ang number coding scheme sa Metro Manila pagsapit ng November 1 at 2 na kapwa deklarado bilang special non-working holidays.

Facebook Comments