Galing China ang submersible drone na natagpuan sa karagatang sakop ng San Pascual, Masbate.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Philippine National Police o PNP Maritime Group Director PBGen. Jonathan Cabal, Chinese-made ang naturang submersible drone at hindi ito commercially-available.
Aniya, walang gumagamit ng ganitong submersible drones kaya naman ipinagpapalagay nila na kung hindi ito commercially available ay posibleng military grade o ginagamit ito sa scientific purposes.
Sa ipinakita namang larawan ni Senate Majority Leader Francis Tolentino, ang nakuhang drone na may marking na “HY 119” ay kahawig ang Chinese “sea wing” Haiyi glider na galing Taijin, China.
Samantala, sinabi naman ni Department of National Defense Usec. Ignacio Madriaga na itinuturing nilang banta sa soberenya ng bansa ang naturang drone.
Anuman aniya ang makalap na impormasyon ng underwater drone na ito ay pakikinabangan ng bansang nag-deploy nito.
Sa ngayon ay wala pang bansa ang umako o umangkin sa drone na ito pero ito ay ikinokonsidera nilang banta sa panghihimasok sa ating teritoryo, ito man ay commercial o military specification.