Unemployment insurance benefit, isusulong ng SSS para sa kanilang mga miyembro

Manila, Philippines – Isusulong ng Social Security System (SSS) na magkaroon ng unemployment insurance benefit para sa 35 milyong mga miyembro ng ahensya.
Ayon kay Social Security Commission Chairman Amado Valdez, ang naturang panukala ay bahagi ng kanilang proposed reform act of 2017 kung saan maaaring mabigyan ng benepisyo ang mga mawawalan ng trabaho at kung wala pang bagong trabaho na mapapasukan ang miyembro.
Paliwanag pa ni Valdez, lumalaki ang posibilidad na mawalan ng trabaho ang isang manggagawa dahil sa paggamit ng mga robot at artificial intelligence sa mga pabrika at pagawaan.
Ito rin ang pangamba ng international community sa posibilidad na dumami na ang mga robot sa mga pagawaan sa loob ng limang taon.
Pabor naman sa nasabing panukala ang mga kinatawan ng International Labor Organization (ILO), Department of Labor and Employment, Insurance Commission (IC) and Insular Life sa katatapos lamang na exploratory meeting.

Facebook Comments